Isang kautusan ang inilabas ng Department of Energy (DOE) sa mga oil company na magbenta ng Euro 2 na mas mura kumpara sa mga nabibiling produktong petrolyo ngayon.
Inilabas ng DOE ang kautusan bilang tulong sa mga consumer dahil sa malaking epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ng mga bilihin.
Ayon sa DOE, 28 – 30 sentimos kada litro ang matitipid ng mga consumer sa paggamit ng Euro 2.
Lahat ng sasakyan na nagawa 2015 pababa ay compatible sa Euro 2 diesel, habang ang mga 2016 pataas ay compatible sa Euro 4.
Ang Euro 2 ay naglalabas ng 500 parts per million na sulfur sa hangin habang 50 parts per million naman ang Euro 4.
Pero ayon sa DOE, kahit pahintulutan nila muli ang pagbebenta ng Euro 2, wala itong malalabag sa environmental standard ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa DOE, nasa desisyon na ng isang motorista kung nanaisin nyang magkarga ng Euro 2 na diesel sa kanyang sasakyan, ang mahalaga raw ay mas marami ng pagpipilian ang mga consumer sa produktong gagamitin.
Pero ikinagalit ito ng isang transport group, ayon kay ka Obet Martin ng grupong Pasang Masda, paurong at hindi pasulong ang ginagawa ng pamahalaan.
Bukod sa pagbebenta ng Euro 2, isinusulong rin ng DOE ang importasyon ng produktong petrolyo sa ibang bansa gaya ng Russia.
Isa anila ito sa makakatulong upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: DOE, Euro 2 diesel, Euro 4