Kinumpirma ngayon ng Department of Foreign Affairs na natuloy na ang pagbitay sa Overseas Filipino Worker na si Joselito Zapanta sa Saudi Arabia.
Ito ay matapos na mabigong mabuo ang 48 million pesos na blood money na hinihingi ng pamilya ng Sudanese National na napatay ni Zapanta noong 2010 dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagbabayad ng renta.
Si Zapanta ay naharap sa kasong robbery with murder at nahatulan ng bitay noong April 2010.
Ayon sa DFA, pasado alas dos ng hapon kahapon nang bitayin si Zapanta.
Mula sa 48 million pesos na blood money, nasa 23 million pesos lamang ang nalikom ayon sa DFA.
Dagdag pa ng ahensya, hindi na rin maiuuwi pa sa Pilipinas ang mga labi ni Zapanta dahil agad na rin itong nailibing matapos na bitayin, sang-ayon sa kautusan ng Saudia Arabian Government.
Ayon kay ASec Charles Jose , kamakailan lamang ay dinalaw na ng kanyang pamilya si Zapanta sa Saudi Arabia.
Naipaabot na rin sa mga ito ang malagim na sinapit ng kanilang ama.
Muli namang nagpaalala ang DFA sa ating mga kababayan sa ibang bansa, na gawin ang ibayong pagiingat upang hindi masangkot sa anumang uri ng krimen.
(Joan Nano/UNTV News)