OFW Family Club Party-list Rep. Roy Señeres, pumanaw na

by Radyo La Verdad | February 9, 2016 (Tuesday) | 1673

REP.-ROY-SENERES
Alas 8:07 ng umaga ngayon lunes nang pumanaw si OFW Family Club Party list Rep. Roy Señeres sa edad na 68, dahil sa atake sa puso.

Kinumpira ng kanyang mga kaanak at abugadong si Atty Candy Rivas ang pagpanaw ng kongresista.

Ayon kay Rivas matagal nang iniinda ni Señeres ang mga komplikasyon dahil sa kanyang sakit na diabetes.

Nagpaabot na nang pakikiramay ang Malakanyang at ang Mababang Kapulungan ng Kongreso

Ayon kay PCCO Sec. Herminio Coloma Jr ginampanan nito ng mabuti ang kayang trabaho bilang tagapangulo ng National Labor Relations Commission o NLRC at ambassador sa Gitnang Silangan.

Sa pahayag naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr sinabi nito na malaking kawalan sa mga OFW na kaniyang kinakatawan sa House of Representatives ang pagpanaw ng kongresista.

Nitong biyernes nag-withdraw si Señeres sa kanyang kandidatura bilang presidente dahil sa kanyang health condition.

Subalit hindi ito tinanggap ng COMELEC dahil kailangan ay personal nitong isumite ang kanyang withdrawal.

Kinumprima naman ni Atty Jose Malvar Villegas Presidente ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka na mayroon na silang napiling papalit kay Señeres bilang presidential candidate ng kanilang partido.

Subalit ayaw muna nitong inanunsyo kung sino ang magsa-substitute sa yumaong kongresista.

Batay naman sa rules ng COMELEC ang isang pumanaw na kandidato ay maaring mapalitan hanggang mid day ng araw ng eleksyon.

Si Señeres ay naging Philippine Ambassador to the United Arab Emirates simula 1994 hanggang 1998 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Siya rin ang isa sa mga nakatulong noon upang mabigyan ng pardon ang OFW na si Sarah Balabagan na nahatulan ng kasong murder.

Ang mga labi ni Señeres ay ibuburol sa La Funeraria Paz Manila Memorial Chapel.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: