OFW advocates nanawagan sa MIAA na protektahan ang kapakanan ng mga OFW kasunod ng insidente ng tanim-bala ; MIAA nanindigang di nagpapabaya

by Radyo La Verdad | October 28, 2015 (Wednesday) | 1703

BRYAN_MIAA
Umapela si Susan Toots Ople ng Ople Policy Center sa pamunuan ng Manila International Airport Authority na pulungin ang mga ahensiyang nasasakupan nito.

Ito ay upang matigil na ang nagaganap na insidente ng tanim-bala na ang kadalasang biktima ay ang mga OFW.

Ilang araw pa lamang ang nakakalipas, inaresto ng airport authorities ang OFW na si Gloria Ortinez, 56 na taong gulang matapos makitahan ang kanyang bag ng isang bala ng baril na carbine sa NAIA Terminal 2.

Galing si Otinez ng laoag airport at connecting flight niya ang NAIA Terminal 2 patungong Hongkong.

Isa si Ople sa maraming hindi naniniwala sa mga otoridad na humuli sa kanya sa airport na ang isang domestic helper na 26 na taon ng nagtatrabaho sa hongkong ay magdadala ng bala ng baril sa airport.

Nanawagan rin ang isang dating OFW na ngayon ay kabilang sa nagtataguyod ng kapakanan ng mga pinoy worker sa abroad na tutukan ito ng MIAA.
Maging ang ilang senador ay dismayado sa panibagong insidente ng tanim- bala sa NAIA.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto dapat magkaroon ng imbestigasyon ang senado ukol dito.

Ayon naman kay Senador Bongbong Marcos, apektado ang trabaho ni Aling Gloria dahil sa insidenteng ito.

Nauna ng naghain si Senador Cynthia Villar ng resolusyon para imbestigahan ng senado ang insidente ng laglag bala sa NAIA.

Apela ni Villar sa MIAA dapat kilalaning maigi ang mga kawani nito na tinatanggap sa trabaho.

Bukas naman ang MIAA sa mungkahi ng OFW groups at aaksyunan ang mga reklamo.(Bryan De Paz/UNTV Correspondent)

Tags: , ,