Office of the Ombudsman, nagbabala sa mga kumakalat na pekeng resolusyon laban sa ilang LGU Official

by Radyo La Verdad | September 24, 2015 (Thursday) | 1211

Dir.-Maria-Janina-Hidalgo
Nakatanggap ng reklamo ang Office of the Ombudsman mula sa Local Government Officials sa Camarines Norte dahil sa kumakalat na pekeng desisyon o resolusyon na tinanggap ng ilang opisyal sa probinsya.

Ayon sa Office of the Ombudsman, walang nakahaing reklamo laban sa mga respondent na ito subalit tumanggap sila ng desisyon na galing umano sa Ombudsman.

Sa pahayag ng bagong talagang tagapagsalita ng Office of the Ombudsman na si Dir. Maria Janina Hidalgo, dalawang ulit na naitala ang pamemeke subalit hindi na idinetalye kung sino ang mga nabiktima nito.

Dagdag pa nito, maaaring ito ay bunsod ng papalapit na 2016 National Elections.

“For one, we are aware of the fact that elections are coming so that is a possibility that we are looking into” pahayag ni Dir. Maria Janina Hidalgo tagapagsalita ng Office of the Ombudsman

Sa kasalukuyan, hindi pa alam ng Ombudsman kung sino ang nasa likod ng palsipikasyon.

Patuloy din ang isinasagawang imbestigayon ng Office of the Ombudsman hinggil dito.

Layon ng Office of the Ombudsman na isulong ang integridad at marapat na paglilingkod ng mga public official sa bayan sa bisa ng Section 12 Article 11 ng 1987 Constitution.

Ito ang tumatanggap ng reklamo, nagsasagawa ng imbestigasyon at nagsasampa ng kaso laban sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaang inaakusahan ng pandarambong at masamang gawain sa panahon ng kanilang panunungkulan. (Rosalie Coz / UNTV News)

Tags: