Octa Research Team, nababahala sa patuloy na pagtaas ng Covid-19 cases sa Metro Manila

by Erika Endraca | December 23, 2020 (Wednesday) | 1687

METRO MANILA – Nananatiling epicenter ng pandemic sa Pilipinas ang Metro Manila ayon sa UP-Octa Research, nagsimula na ang holiday surge sa NCR.

Nitong nakaraang Linggo, naitala ang pinakamataas na Covid-19 case trend sa rehiyon sa nakalipas na 2 buwan.

428 ang naitalang kaso sa Metro Manila noong December 13-19 na mas mataas sa naitalang 370 cases per day noong December 6-12.

Ayon pa sa Octa Research, tapos na ang decreasing trend o pagbaba ng kaso sa NCR.

Sa kasalukuyan, nasa 1.15 na ang reproduction number o R-naught sa rehiyon.
Ibig sabhin mahigit isa na ang posibleng mahawa ng 1 positibo sa Covid-19

“Kunyari 400 cases per day na tayo, kapag tuloy- tuloy na tumaas ang reproduction number, pwedeng tumalon iyang bigla in 30 days nasa more than 1, 000 cases na tayo per day. mabilis tumaas iyan huwag natin hayaan na tumaas siya ng wala tayong ginagawa.” ani Octa Research Team Dr Guido David.

Hinihikayat ng grupo ang mga LGU na imonitor at mahigpit na ipatupad ang 10 person rule gathering sa mga lugar na nasa GCQ.

Ayon naman sa National Task Force Against Covid-19, naghahanda na ito sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga karagdagang modular isolation tents para sa severe at critical Covid-19 patients.

44 units sa Quezon Institute sa Quezon City ang magiging operational na sa susunod na buwan.

Muli’t muling paalala ng pamahalaan sa publiko, iwasan ang pagsasagawa ng social gatherings at huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman kailangan.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,