Handa na ang Office of the Civil Defense at Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs sa national simultaneous earthquake drill ngayong huwebes.
Sa isang pulong balitaan sa Zamboanga City, sinabi ng OCD na kabilang sa lalahok sa duck, cover and hold drill ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan, ilang pribadong establisimyento at mga sangbahayan.
Panawagan rin nila sa publiko na makiisa at seryosohin ang quake drill dahil bahagi ito ng paghahanda sa posibleng pagtama ng malakas na lindol sa bansa.
Pagkatapos ng drill, isang disaster contingency plan rin ang gagawin batay sa assessment ng mga evaluator.
Ang Zamboanga City ay prone sa lindol dahil mayroong dalawang earthquake generators na malapit dito, ang Cotabato at Sulu trench.
Noong April 13, 2016 lamang ay naramdaman sa lungsod ang intensity VI matapos tumama ang magnitude 6 na lindol sa Zamboanga del Norte.
Samantala, sa bahagi naman ng Luzon ay ang Clark, Pampanga ang napiling ceremonial venue para sa first quarter simultaneous earthquake drill.
Ang senaryo ay ang malakas na pagyanig bunga ng paggalaw ng West Valley Fault kung saan maaaring maapektuhan ang NDRRMC Operations Center sa Camp Aguinaldo at mga ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga exercise na isasagawa ay ang pagtatayo ng command and control operations center.
Susubukin din ang rapid emergency telecommunications team sa bawat ahensya ng gobyernong katuwang sa pagresponde sa kalamidad.
(Dante Amento/UNTV NEWS)