OCD, isasailalim sa orientation ang bagong deputy na si administrator Nicanor Faeldon

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 3239

Kinuwestiyon ni Liberal Party Member Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Bureau of Customs Chief Commissioner Nicanor Faeldon bilang bagong deputy administrator ng Office of the Civil Defense.

Bunsod ito ng pagkakasangkot ni Faeldon sa smuggling ng mahigit 6 na bilyong pisong halaga ng shabu mula China na dahilan rin ng kaniyang pagkakaditene sa Senado.

Una na ring sinabi ni Senator Panfilo Lacson na hindi maaaring makaalis sa Senate custody si Faeldon hangga’t ang kaniyang contempt citation ay i-lift ng Senado bilang isang collegial body.

Pero ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may karapatan ang Pangulo na magtalaga ng sinomang kaniyang pinagkakatiwalaan. Maaari  rin naman umanong gawin ni Faeldon ang kaniyang bagong trabaho habang nakaditine sa Senado.

Ikinalulungot naman ng OCD na hindi pa nila makakasama sa ngayon si Faeldon.

Ayon kay Mina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, ngayong nasa kustodiya pa ng Senate Sergeant-at-Arms si Faeldon, isasailalim muna ito sa orientation.

Suportado naman ni OCD Administrator at NDRRMC Executive Director Usec. Ricardo Jalad ang pagkakatalaga kay Faeldon dahil sa lawak ng kaniyang trabaho, kailangan niya ng isa pang makakatulong na deputy administrator.

Si Faeldon, ang tututok sa mga regional office ng OCD at tatayong direktor ng regional councils na mabibigyang prayoridad ang proteksyon ng publiko lalo na sa oras ng kalamidad sa bansa.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,