Nutritional Crisis, inaasahan kapag nagkaroon ng kakulangan ng suplay ng pagkain

by Radyo La Verdad | June 9, 2022 (Thursday) | 1497

METRO MANILA – Binalaan ng isang Congressman ang publiko sa nagbabadyang krisis sa nutrition nang makita sa Social Weather Stations (SWS) survey ang may 100,000 bagong pamilyang nakararanas ng gutom sa unang bahagi nitong taon kasabay ng pagtaas ng mga bilihin.

Sa April 19-27 survey, 12.2% ng mga sumagot ay nagsasabing nakararanas ng kagutuman ang kanilang pamilya nitong nakaraang 3 buwan.

Pahayag ni Albay Rep. Joey Salceda, makakakita tayo ng nutritional crisis kung hindi tayo makahahanap ng paraang makakuha ng mura at abot kayang pagkukunan ng pagkain para sa mahihirap.

Nakita sa isang pag-aaral ng Food and Agiculture Organization (FAO) na ang 500 kilocalories (kcal) na kabawasan araw-araw ay maaaring makapagdulot ng aabot sa 2.0% pagtaas sa real Gross Domestic Product (GDP) per capita.

Kinakailangan ng isang working adult ng 1768 kcal/day o 74% ng Estimated Energy Requirements (EER) para sa age group ayon naman sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI).

Ngunit sa kasalukuyang pag-aaral ay magkakaroon ng aabot sa 621 calories in deficiency sa mga working age Filipino na magreresulta ng hindi bababa sa P851,000 kada tao sa pagiging produktibo sa buong working lifetime nito.

Idiniin ni Salceda na kailangang matiyak ang mura at abot kayang pagkain sa pagsuporta sa main food system ng bansa at pag-engganyo sa mga small-scale at local food production sa pamamagitan ng community at backyard farming.

(Ritz Barredo | La Verdad Corespondent)