METRO MANILA – Halos kasindami na ang traffic volume sa kalakhang Maynila ngayon gaya noong bago lumaganap ang COVID-19 pandemic.
Ayon sa MMDA, nakapagtatala sila ng pinakamaraming sasakyan pangunahin na sa Edsa kapag afternoon peak hours.
Upang maibsan ang mabigat na trapiko, nais ng MMDA na unti-unting ipatupad ang number coding scheme.
Ngunit gusto munang subukan ng ahensya ang pagpapatupad nito sa afternoon peak hours simula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Kung malala pa rin ang trapiko, ipatutupad na rin ang number coding sa morning peak hours simula
alas-7 hanggang alas-9 ng umaga.
Subalit kung talagang matindi pa rin ang congestion, ipatutupad na ito sa buong maghapon simula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Paliwanag ni MMDA Traffic Discipline Office Director Neomie Recio, kailangang gradual ang muling pagpapatupad ng naturang polisiya upang mabalanse ang kapakapanan ng lahat ng commuters.
“Kasi, kung magna-number coding naman tayo from 7 am to 8 pm, eh paano naman yung isa lang ang sasakyan? Maghapon siyang hindi makakabyahe. Eh ang public transport system natin is only 70% pa lang yung capacity. Ibig sabihin, hindi pa sufficient. So, kung mahaba ang pila ng pasahero, dadagdag mo pa yung may kotse na number coded on that day, so, what will happen? Kawawa naman yung mga tao na nandito sa Maynila.” ani MMDA Traffic Discipline Office, Dir. Neomie Recio.
Nakatakdang pag-usapan ang rekomendasyong ito ng MMDA sa susunod na pagpupulong ng Metro Manila Council ngayong linggo.
(Asher Cadapan Jr | UNTV News)
Tags: MMDA, NCR, number coding scheme