NUJP kinuwestiyon kung bakit pinayagan ang suspek sa hostage taking na humarap sa media ng may dalang baril

by Erika Endraca | March 4, 2020 (Wednesday) | 6378

METRO MANILA – Pinuna ng National Union of journalists of the Philippines (NUJP) ang protocol na ipinatupad sa hostage taking noong Lunes (March 2) sa San Juan.

Ayon sa grupo nalagay sa alanganin ang buhay ng mga media maging ng mga taong nakaharap ng suspek nang payagan itong lumabas sa establisimiyento nang hindi nakaposas at may dala pang baril sa kanyang tagiliran.

Pero wala namang nakikitang mali sa si PNP Chief PGen. Archie Gamboa sa ipinatupad na seguridad sa nasabing insidente. Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay kuntento sa paghawak ng LGU at PNP sa naturang insidente.

“He was happy that there was no casualty, except for one. There was only one for as long as people are alive, we welcome it.”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Ayon kay PNP Chef Gamboa ang protocol sa isang hostage taking ay ang paglalagay ng negosyador at ng crisis management committee na pinamumunuan ng local chief executives.

Ang pulis at military aniya ay papasok lamang kung hindi na kaya ng LGU ang sitwasyon o mas huli ng kaunti kumpara sa LGU.

Samantala ayon kay Supervisory Office for Security and Investigation Agencies Director PBGen. Michael john Dubria, may lisensya pa si Alchie Paray hanggang 2021 habang ngayong buwan naman ang expiration ng lisensya ng security agency nito.

Gayunman, magsasagawa aniya sila ng inspection sa mga establisyimentong pinopostehan ng mga security guard ng SASCOR, lalo nat nakuhanan si Paray ng baril na walang serial number.

Kung mapatutunayan aniyang may pagkakamali ang ahensya gaya ng pagpapagamit ng baril na walang lisensya ay makakasuhan at maparurusahan ang mga ito.

“Meron tayong first time offender at may monetary penalty ranging from 10k to 30k plus recommendation for their cancellation and revocation of license” ani PNP- SOSIA Director, PBGen. Michael John Dubria.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,