NTF vs COVID-19, tinatalakay na ang ipatutupad na Standard Quarantine Protocols para sa mga Pinoy na nabakunahan na

by Erika Endraca | June 21, 2021 (Monday) | 4515

METRO MANILA – Pinag-aaralan na ng Technical Working Group ng National Task Force Against COVID-19 ang pagkakaroon ng standard quarantine protocols sa lahat ng mga Pilipino na nabakunahan na.

Sa isang pahayag sinabi ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. Na layunin nito na magkaroon ng iisang quarantine protocol sa mga Pinoy sa bansa maging sa mga kababayan natin abroad.

Maliban sa 7 araw na quarantine, pag-uusapan din kung anong paraan ng COVID-19 testing ang isasagawa sa mga fully vaccinated na mga Filipino.

Gayundin ang magiging COVID-19 testing requirement sa mga inbound Filipinos na fully vaccinated.

Dagdag pa ni Galvez, kailangang magkaroon ng patas na patakaran kahit sa mga bakunadong Pilipino dahil maaari pa rin silang mahawaha ng virus.

Oras na ma-validate na bakunado na ang isang OFW abroad, pareho ang ipatutupad na quarantine control sa mga ito sa Pilipinas.

Nakikipag-ugnayan narin ang NTF sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Labor Department hinggil sa validation ng mga OFW na nabakunahan sa ibang bansa.

Nito lamang Hunyo, inanunsyo ng pamahalaan ang mas pinaiksing quarantine period para sa mga umuuwing Pilipino sa bansa.

Mula sa dating 14 na araw ay ginawa na lamang itong 7 araw.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: , ,