NTF vs COVID-19, kumpyansang maaabot ang target na 77M fully vaccinated Filipinos sa unang quarter ng 2022

by Radyo La Verdad | January 24, 2022 (Monday) | 1075

METRO MANILA – Umabot na sa 57.19 million sa 123 million na nabakunahan ang nakatanggap ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas batay sa National COVID-19 vaccination dashboard.

Kaya naman pinaiigting ng pamahalaan ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor at iba pang stakeholders upang mapalawig ang vaccination program tulad ng paglulunsad ng resbakuna sa botika.

Kaya naman kumpyansa si Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 chief Implementer Sec. Carlito Galvez na maaabot ng pamahalaan ang target nitong 77 million na mga Pinoy na fully vaccinated sa first quarter ng taon.

Gayundin ang makapag-administer ng booster shots sa mahigit 72 million na mga kababayan.

Bukod dito, patuloy din sa paghahanap ng iba pang paraan ang pamahalaan kung papaano pa mapapaigting ang vaccination program ng bansa at mabakunahan ang mas maraming Pinoy sa pinakamadaling panahon.

Samantala, inihayag ng kalihim na ilang bagay ang nakapagpapabagal sa vaccination efforts ng bansa.

Kabilang dito ang pananalasa ng bagyong Odette sa 6 na rehiyon noong buwan ng Disyembre.

Ilang lokal na pamahalaan ang napilitang suspendihin ang kanilang vaccination rollout upang makatugon sa pangunahing pangangailangan ng kanilang mga mamamayan.

Bukod pa rito ang papalapit na halalan. Ayon kay Sec. Galvez, nalilihis ang atensyon ng ilang local chief executives sa paparating na eleksyon sa halip na pagpapatupad ng epektibong vaccination drive.

Gayunman, umaasa naman ang kalihim na isasantabi ng mga ito ang kanilang personal na interes upang matiyak na mapapangalagaan ang kalusugan at mapo-protektahan ang kanilang mga constituent.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: