NTF vaccine cluster, inatasang maglaan ng 4M doses ng bakuna sa NCR

by Erika Endraca | August 2, 2021 (Monday) | 3931

METRO MANILA – Aprubado na ng Inter-Agency Task Force against COVID-19 (IATF) ang hiling ng Metro Manila Council na maglaan ng bakuna para sa National Capital Region (NCR).

Sa gitna ito ng muling pagtaas ng COVID-19 cases sa kapitolyo at tumitinding banta ng Delta variant.

Batay sa IATF Resolution Number 130-D, inaatasan ang National Task Force Vaccine Cluster na tiyaking may sapat na vaccine supply na nasa 4-M doses para sa Metro Manila at 2.5 Million doses para naman sa mga kalapit probinsya na Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Gayunman, depende pa rin ito sa vaccine supply sa bansa.

Nagbigay din ng direktiba ang IATF sa Provincial, City at Municipal Local Government Units na paigtingin ang vaccination efforts sa Enhanced Community Quarantine period.

Magsisimula ang ECQ sa Metro Manila sa August 6 – 20, 2021

Samantala, mula General Community Quarantine with heightened restrictions, isinailalim na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang mga probinsya ng Apayao, Laguna at Aklan hanggang August 15, 2021.

Nadagdag ito sa 5 lugar sa bansa na nasa ilalim na ng MECQ.

Ang Cebu Province naman, mula MECQ, ay ibinaba na sa General Community Quarantine hanggang kalagitnaan din ng buwan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,