METRO MANILA – Naniniwala ang National Security Council (NSC) na hindi maituturing na “Act of War” ang nangyaring pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na nasa resupply mission sa Ayungin Shoal noong Linggo December 10.
Ito ay kahit nakasakay sa isa sa mga supply boat si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Junior.
Ipinaliwanag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, na ang naturang insidente ay isang seryosong aksyon na nakapagpapataas ng tensyon sa rehiyon.
Paliwanag naman ni AFP Spokesperson Carlo Medel Aguilar, nakasakay sa Unaizah Mae 1 vessel ang AFP Chief of Staff upang personal na makita ang ginagawang pambubully ng China at ihatid ang mensahe ng pangulo sa mga tropa na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nakakita sila ng maraming Chinese Coast Guard (CCG) vessels noong Linggo (December 10), kung saan kabilang ang CCG vessel 5204 na gumamit ng tinatawag na Long Range Acoustic Devices (LRADS) nang mangyari ang water cannon attack sa M/L Kalayaan na kabilang sa supply boats papuntang Ayungin Shoal.
Habang 4 na CCG vessels ang bumuntot at dumikit sa buong supply contingent. Bukod pa ito sa Chinese militia vessels na kasamang humaharang sa Philippine vessels.