Nora Aunor at Vilma Santos, ginawaran ng “Ginintuang bituin ng pelikulang Pilipino” at “Movie actress of the year” award ng PMPC

by Radyo La Verdad | September 4, 2017 (Monday) | 4642

Superstar Nora Aunor at Star for all seasons Vilma Santos, dalawang pangalang hinangaan at minahal ng mga Pilipino dahil sa kanilang hindi matatawarang husay sa larangan ng pag-arte mula pa noong dekada nobenta. At sa loob ng limampung taong pamamayagpag sa takilya ay kinilala na ang mga ito bilang mga haligi ng film industry.

Sa 33rd PMPC Star Awards kagabi ay ginawaran ng natatanging karangalan bilang ginintuang bituin ng pelikulang Pilipino ang dalawang aktres. Ibinahagi naman ng mga ito ang sikreto ng kanilang pagtagal sa industriya.

Samantala, bagama’t hindi maiwasan ang pagkakaroon ng rivalry sa pagitan ng kanilang fans, tiniyak naman ng mga ito na nananatili ang pagkakaibigan nilang dalawa.

Bukod sa nasabing parangal ay nag-tie rin sa movie actress of the year award ang dalawang Philippine cinema icons para sa mga pelikulang “Kabisera” at “Everything about her”.

Hindi naman inalis nina Nora at Vilma ang posibilidad na muli silang magkasama sa isang pelikula. Lubos namang nagpapasalamat ang dalawa sa mga Noranian at Vilmanian na walang sawang sumusuporta sa kanila sa loob ng limang dekada.

 

(Leslie Longboen / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,