Non-stop premium bus service ng LTFRB nagsimula na

by Radyo La Verdad | December 7, 2015 (Monday) | 945

MACKY_PREMIUM
Opisyal ng Sinimulan ang operasyon ng premium bus ngayong araw na tatagal hanggang January 6, 2016.

Ito ay tugon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ngayong holiday season upang makatulong sa publiko na magkaroon ng mas mabilis na transportasyon lalo na’t ngayong panahon inaasahan ang mas mabigat na daloy ng trapiko.

May tatlong ruta ang premium bus, Trinoma mall hanggang Park Square sa Ayala, SM North Edsa hanggang Glorietta 5 at SM Megamall hanggang Park Square.

Nagkakahalaga ng singkwenta hanggang otsenta pesos ang pasahe sa premium bus.

Ang byahe ay magsisimula ng alas sais kinse ng umaga tuwing Lunes hanggang Biyernes at alas nuebe kinse naman tuwing sabado at Linggo hanggang alas nuebe ng gabi araw araw.

Sinubukang sumakay ni Elvira Medina, presidente ng National Center for commuter safety and security. Anya, maganda ang kanyang naging experience sa pagsakay sa bus kinulang lang ng information dissemination dahil kakaunti pa ang nakakaalam na operational na ang premium bus.

Iminungkahi din ni Medina na kung maaari ay maglagay ng bukod na lanes na dadaanan ng mga point to point vehicles tulad ng provincial buses at nitong premium bus para mas mapabilis pa ang byahe.

Hinihikayat naman ng LTFRB ang publiko na huwag munang gamitin ang kanilang mga sasakyan ngayong holiday season at sumakay na lang dito sa premium bus para hindi na makadagdag sa sikip ng daloy ng trapiko.(Macky Libradilla/UNTV Radio Correspondent)