“No work, No Pay” Policy para sa onsite unvaccinated workers na tatanggi sa RT-PCR test, epektibo na sa Dec. 1

by Radyo La Verdad | November 24, 2021 (Wednesday) | 4805

METRO MANILA – Simula sa December 1, obligado nang sumailalim sa regular COVID-19 RT-PCR testing ang on-site workers na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.

Ito ang mga mangagawa na kinakailangan nang pumasok ng pisikal sa trabaho.

Kaakibat nito ipatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang no work no pay policy para sa mga unvaccinated na mangagawa na tatangging magpa COVID-19 testing.

Batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), mismong ang mangagawa na hindi pa bakunado ang gagastos sa kanyang pagpapa-RT PCR testing at hindi ito sasagutin ng employer.

Pero para sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, imbes na ipatupad ng DOLE ng ganitong sistema sa mangagagwang ayaw pang magbakuna, mas makakabuti, kung mag-aalok ng incentives ang pamahalaan o ang mga employer para mahikayat ang kanilang mga empleyado na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Alan Tanjusay, ilan sa mga incentive na maaaring ibigay sa mga bakunadong manggagawa ay ang karagdagang vacation leave o dagdag na bonus.

Maaari ring magbigay ang employers ng libreng transportasyon papuntang vaccination site at bigyan ang mga manggagawa ng isang araw na pahinga matapos na mabakunahan laban sa COVID-19.

Giit ng labor group, hindi makatarungan na ginagawang mandatory ang pagpapabakuna ng mga mangagawa, pati na ang no work no pay policy sa mga hindi pa bakunado.

Paliwanag ng DOLE isa lamang ang no work no pay policy sa mga pagpipilian ng mga employer na maaaring ipatupad sa kanilang mga empleyado para mahikayat ang mga ito na magpabakuna.

Pwede pa rin ang work from home set-up sa mga unvaccinated, pero depende ito sa klase ng kanilang trabaho.

Inamin naman ng DOLE na walang parusang ipapataw sa mga employer at empleyado na hindi makakasusunod sa ibinbabang polisiya ng IATF.

Batid din ng ahensya na sa ilalim ng batas hindi maaaring gawing requirement ang bakuna sa mga mangagawa.

Kaya naman nilinaw nito na may karapatan silang tumanggaing magpabakuna, pero kinakailangan nilang sumailalim sa regular na testing.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,