“No vaccination, no ride” policy, simula na ngayong araw, (Jan. 17, 2022)

by Radyo La Verdad | January 17, 2022 (Monday) | 7938

Ipinatutupad na sa Metro Manila ang department order number 2022-001 o ang “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation. Tanging ang mga fully vaccinated individuals lamang ang pinapayagang sumakay sa lahat ng uri ng public transportation sa rehiyon.

Ngunit exempted naman sa bagong polisiya ang mga hindi bakunado dahil sa medical condition, gayundin ang mga bibiyahe para sa essential at medical needs, at ang mga naka-schedule para magpabakuna.

Nagpaalala naman ang LTFRB sa mga pasahero na magdala ng  valid requirements.

Pangunahin na ang vaccination card na maaaring physical o digital copy gayundin ang valid government ID na mayroong picture at address para naman sa pagbe-verify ng vaccination card.

Nilinaw naman ng DOTR na walang parusang ipapataw sa mga mahuhuling unvaccinated passengers pero papatawan ng parusa ang mga driver na mahuhuling magsasakay sa kanila.

“linawin ho natin ‘yan, pagka pasahero po sa department order wala po tayong penalty doon kasi hindi ho yun saklaw ng Department of Transportation pero pag kayo po ay pasahero at nag-violate po kayo ng ordinansa na kayo ay lumabas ng bahay nyo o ‘di kaya’y sumakay ng public transportation, yung mga LGU ordinances meron pong mga penalties yan, ang range po nyan nasa 500 pesos hanggang 5,000 pesos, ‘yong iba naman po may kasamang imprisonment ranging from 5 days to 6 months”, ani Usec. Reinier Yebra, Department of Transportation.

Samantala, ayon naman sa grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines o FEJODAP, nakahanda na sila sa pagpapatupad ng bagong polisiya sa mga terminal ng jeep.

Bagaman inabisuhan na nila ang mga dispatcher na inspeksyunin ang vacination card ng mga pasahero sa terminal pa lang.

Ipauubaya na nila sa mga traffic law enforcement agencies ang pagberipika sa opisyal na mga vaccination cards at iba pang dokumento.

“Kung ano lang po yung available na IDs nila ganun din po yung certificate, sabi ko nga hindi kami marunong tumingin kung original po ba yan o hindi. Bahala na ho yung enforcer, sila tumingin kung ano man po iprinesent sa amin na ID ng ilang pasahero, ‘yun din po ‘yung ituturo namin ID at certification na ipinakita sa amin kaya in-allow namin silang sumakay sa pampasaherong sasakyan”, pahayag ni Ricardo ‘Boy’ Rebaño, National President, FEJODAP.

Kung sakali namang mahulihan na gumagamit ng pekeng vaccination card ang isang pasahero, pagmumultahin ito batay sa multa o parusa ng mga ordinansa ng LGU na aabot sa 500 hanggang 5000 pesos depende sa paglabag.

Iiral lamang ang no vaccination, no ride” policy habang nasa ilalim ng alert level 3 o mas mataas na restriction ang Metro Manila.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,