No parking” sa buong Metro Manila at paglilipat ng lahat ng government agencies, ipinanukala bilang solusyon sa malalang trapiko

by Erika Endraca | August 14, 2019 (Wednesday) | 8262
P H O T O : TOP GEAR Philippines

MANILA, Philippines – Naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) na kung tuluyang maipatutupad ang provincial bus ban sa Edsa ay malaking tulong ito upang mabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Sa datos ng MMDA, nasa 6,500 buses ang dumadaan sa yellow lane sa Edsa, 3,500 dito ay provincial bus o biyaheng probinsiya.

Inamin naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia na pumalpak ang nakaraang dry run ng provincial bus ban.

Pinaniniwalaan na ang hakbang na ito at ang mahigpit na pagpapatupad ng yellow lane ang nagdulot ng matinding bigat sa daloy ng trapiko na naranasan ng mga motorista nitong mga nakaraang Linggo.

“Na-highlight lang ng media kasi nga palpak yung dry run, so sabi nga namin, palpak ang dry run dahil walang nakisali, siguro out of 100 operators,5 lang” ani MMDA General Manager, Usec. Jojo Garcia.

Hindi rin aniya sila nag-eeksperimento sa Edsa gaya ng kritisismo sa kanila dahil ipinatutupad lamang umano nila ang naging hakbang ng nakaraang administrasyon.

Ipinanukala naman ni Senate President Vicente Sotto III na ipatupad ang malawakang No Parking Zone sa Metro Manila.

“Ang talagang solusyon to decongest Edsa is No Parking Metro Manila to Makati to Manila side all the way to Mandaluyong, Zobel Roxas, Araullo Manila, kapag nalinis ninyo yun, bilib na ako”ani Senate President Vicente Sotto III.

Dagdag pa nito, dapat na rin aniyang ilipat na ang mga government agencies sa labas ng Metro Manila. Ayon naman kay Senator Grace Poe, nagkulang rin sa konsultasyon ang MMDA.

“Imbes na i-ban ninyo agad, bakit hindi kayo kumuha ng mga inter modal terminals within strategic areas dun sa may Edsa kung tatanggalin ninyo ang 43 or 45 provincial terminals along Edsa”ani senate Committee on Public Services Chairperson, Sen. Grace Poe.

Aabangan ng MMDA ang magiging resulta ng kanilang inihain na motion for reconsideration kaugnay ng naging kautusan ng Quezon City Regional Trial Court na ipatigil ang provincial bus ban.

Sa ngayon ayon sa MMDA, mahigpit muna nilang ipatutupad ang clearing operations sa mga alternate route sa Metro Manila.

(Nel Maribojoc | Untv News)

Tags: ,