No-contact apprehension policy, ipapatupad ng MMDA sa Abril

by Radyo La Verdad | March 28, 2016 (Monday) | 7874

mmda-logo
Ipapatupad na sa Abril 15 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng “no-contact apprehension policy”.

Sa ilalim ng “no-contact apprehension policy”, gagamit na lamang ng closed circuit television cameras (CCTVs) sa paghuli ng mga pasaway na motorista na siyang magsisilbing basehan at ebidensiya laban sa mahuhuling lumabag.

Mayroon nang 50 cameras ang ipinuwesto ng MMDA sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ngunit ito’y pauna pa lamang dahil madagdagan pa ng 100 cameras.

Lahat ng mahuhuli at makukunan ng paglabag ay kukunin na lamang ang plaka ng behikulo para maiberipika sa LTO ang nagmamay-ari nito. Kapag natunton na ay ipapadala na lamang ang summon at traffic violation receipt sa kanilang natukoy na address.

Sa paraan na ring ito ay maiiwasan na ang insidente ng kotong gayundin ang sagabal sa trapiko.

Ang impementasyon ng “no-contact apprehension policy” ay gagawin nang permanente base na rin sa inaprubahang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) noong nakaraang buwan.

(UNTV NEWS)

Tags: ,