‘No Bio, No Boto’ policy ng COMELEC, pansamantalang pinigil ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 1328

supreme-court-2
Pansamantalang pinipigil ng Supreme Court ang implementasyon ng ‘No Bio No Boto’ policy ng COMELEC.

Isang TRO ang inilabas ng Korte Suprema at pinagbabawalan ang COMELEC na i-deactivate o alisin sa kanilang listahan ang mga rehistradong botante na walang biometrics.

Samantala, pinasasagot din ng Korte ang COMELEC at ang opisina ng solicitor general sa inihaing petisyon ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Kabataan partylist.

Hinihiling sa naturang petisyon na ideklarang labag sa konstitusyon ang nasabing polisiya at ipatigil ang implementasyon ng Republic act 10367 o ang mandatory biometrics voter registration.

Malinaw na ipinagbabawal sa saligang-batas ang pagtatakda ng substantive requirement bago makaboto ang isang tao gaya ng naabot nitong edukasyon o kaya ay ang pagkakaroon ng mga ari-arian.

Labag din umano sa due process ang no bio no boto dahil basta na lamang tinatanggal ng comelec sa kanilang listahan ang mga botanteng walang biometrics kahit pa aktibo silang bumuboto sa nakalipas na mga halalan.

Sa datos na inilabas mismo ng COMELEC, mahigit 3 milyong botante pa ang walang biometrics at nanganganib na hindi makaboto sa darating na halalan sa Mayo.

Giit pa ng mga petitioner, may iba namang pamamaraan ang COMELEC upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga botante.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,