MANILA, Philippines – Nagpaalala ang National Meat Inspection Service (NMIS) sa publiko na maging mapanuri sa mga bibilhing karne at tiyakin na dumaan ito sa tamang proseso.
Galing man sa malalaking farm o sa bakuran lang ang mga baboy ay pareho lang ang guidelines ng NMIS sa proseso ng pagkatay nito bago ibenta sa publiko. Kapag dinala na sa katayan ay hahanapan agad ito ng veterinary Health Certificate at Shipping Permit.
Susuriin ng beterenaryo sa slaughter house ang baboy kung nasa maayos na kundisyon bago at pagkatapos na katayin. Ayon sa NMIS, ang tatak nila sa stalls sa mga palengke at mismong sa mga karne ng baboy ang batayan para masabing ligtas kainin.
“Huwag po tayong bibili sa kung saan-saan lang kasi doon po ang nagiging problema. So meron pong by visual makikita po natin ang stalls pa lang dapat dini-display na ang NMIS certificate nila.” ani NMIS Executive Director Reildrin Morales.
Ipinagbabawal din ng NMIS ang pagkakatay lamang sa mga bakuran. Dapat anilang dalhin ang mga ito sa mga katayan ng bayan. Samantala, nangangailangan ang Bureau of Animal Industry (BAI) ng 46 na Livestock Inspector.
Ito’y bahagi na rin ng pagpapaigting ng ahensya upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa. Madedistino ang mga ito sa disease investigation, surveillance, animal checkpoints, quaranteen stations and documentation sa iba’t-ibang lugar.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: Bureau of Animal Industry, National Meat Inspection Service