NIA, pinaghahandaan ang libreng patubig sa mga magsasaka

by Radyo La Verdad | June 16, 2016 (Thursday) | 3409

REY_IRRIGATION
Umabot sa 3.5 Billion pesos ang budget ng National Irrigation Administration kada taon para sa kanilang operasyon.

Ang 2 bilyong piso ay galing sa mga magsasaka na kinokolekta bilang irrigation fee at ang iba naman ay galing sa mga kinikita sa mga power plants gaya ng nasa Pantabangan at Magat dam.

Ayon sa NIA, posible naman ang panukala ng papalit na administrasyon na gawing libre ang patubig sa mga magsasaka basta bibigyan lamang sila ng sapat na budget ng pamahalaan na katumbas ng kanilang nakokolekta sa mga magsasaka.

Ang pondo mula sa General Appropriations Act ngayong 2016 na umaabot sa mahigit 32 billion pesos ay napupunta anila sa paggawa, rehabilitasyon at pagkukumpuni ng irrigation facilities.

Ayon kay Pilipina Bermudez ng NIA Public Affairs and Information Manager ng NIA, kung hindi ito maisasaayos ay posibleng maulit ang ngyari noong panahon ng dating pangulong Erap na nagpatupad din ng libreng irigasyon kung saan naapektuhan ang produksyon ng palay.

Isa rin sa suhestiyon ng NIA, magkakaroon na lamang ng koleksyon ng mga asosayon ng mga magsasaka.

Maaari ding sa 2017 ay isama na lamang sa GAA ang kanilang gagastusin sa operasyon.

Hihintayin pa ng NIA kung paano ang gagawing sistema ng papalit nilang kalihim sa target na 1 milyon ektarya ng lupang maaaring patubigan.

Sa loob ng 53 taon ay nasa 53% pa lamang ng 3.1M hectares ng irrigable areas o 1.7M hectares ang napatubigan.

Noong 2014-2015 ay nasa 25 libong ektarya lamang ng lupa ang nabigyan ng irigasyon.

Tags: , ,