NHA Builders, tinalo ang Judiciary Magis sa kauna-unahang pagkakataon mula ng sumali sa UNTV Cup

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 4203

Sa kauna-unahang pagkakataon, tinalo ng NHA Builders ang two time champion Judiciary Magis sa kanilang unang sagupaan ngayong season sa score na 95-87.

Simula nang sumali ang NHA noong season 3, ni minsan ay hindi pa sila nagwagi sa Judiciary.

Kaya naman labis ang tuwa ng kanilang koponan ng patumbahin nila sa second game ng triple header ng UNTV Cup Season 6 ang Judiciary na ginanap sa Pasig City Sports Center.

Sa umpisa ng sagupaan, agad nagpasiklab ang NHA sa 7-0 run. Ngunit bumuwelta agad ang Magis ng tatlong magkasunod na three point shot mula kina Warren Ybanez , Don Camaso at Chester Tolomia upang umabante ang Magis ng 23 -20 sa 1st quarter.

Hindi naman nagpasindak ang Builders at agad umabante ng tatlong puntos makalipas ang talong minute sa second quarter , 28-25 na kanila namang inalagaan hanggang sa pagtatapos ng 1st half 46-38.

Lomobo sa katorse puntos ang abante ng NHA sa kalahatian ng third quarter bago nakadikit sa 68-62 ang Judiciary. Rumatsad naman ng 7 to 0 run ang Judiciary sa pagpasok ng last quarter, upang agawin ang abante 69-68.

Umakyat pa sa 74-71 nang makapagbuslo ng three point shot si Tolomia para sa Judiciary. Pero hindi nagpatinag ang NHA sa pangunguna ni Antonio Lustestica na sumagot naman ng tatlong sunod mula sa rainbow country upang kontrolin na nag-momentum ng ballgame hanggang sa magtapos sa 95-87.

Tinanghal na best players of the game sina Antonio Lustestica Jr. na may 25 points at si John Derrick Dizon na may 18 points.

Nanguna naman si Chester Tolomia sa Judiciary na may 25 points habang may combined 32 points si Warren Ybanez at Don Camaso.

Una rito ay naitala ng Malacañan PSC Kamao ang kanilang ikalawang sunod na panalo kontra DOJ Justice Boosters sa 1st game sa score na 91-75.

Habang pinatikim naman ng Senate Defenders ang BFP Firefighters ng kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa maingame sa score na 88-81.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,