NGO ni Napoles, hindi bogus ayon kay Suñas

by monaliza | March 25, 2015 (Wednesday) | 1301

sunas

Ipinahayag ni PDAF Scam witness Merlina Suñas sa bail hearing ni Janet Lim-Napoles sa Sandiganbayan 3rd Division na totoo at hindi bogus ang NGO nito.

Ayon kay Suñas na siyang presidente ng POPDFI, nagkaroon ng lehitimong deliveries ang NGO sa mga napiling benificiaries ng PDAF ni Sen. Enrile.
Mayroon din aniya silang listahan ng mga pangalan na nakatanggap ng livelihood kits at agricultural products. Ngunit nang magsimula na silang magsagawa ng pekeng deliveries sa mga sumunod na proyekto ay ni-recycle na lamang nila ang mga ito.

Sinabi rin ni Suñas na karamihan ng mga proyekto ng kanyang NGO ay para sa mga local government unit. Aniya, may mga alkalde na kusang lumapit umano kay Napoles upang mabahaginan ng kickback mula sa PDAF ng mga mambabatas.

Kabilang sa mga tumanggap ay si Mayor Eldred Tumbocon ng Umingan, Pangasinan, na isa rin sa mga testigong iniharap ng prosekusyon noong Enero.

Sa testimonya ni Tumbocon sa korte, itinanggi nitong nakatanggap sila ng mga livelihood kits o agricultural products mula sa mga proyektong pinondohan ng PDAF ni Sen. Enrile.

Ikinagulat naman ng abogado ni Napoles na si Atty. Dennis Buenaventura ang pahayag ni Suñas at sinabing kwestiyonable din ang kredibilidad ng iba pang testigo ng prosekusyon.

Ngunit ayon naman kay Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, ang korte na ang bahalang tumukoy sa kredibilad ng mga ebidensya at testigo na inihaharap ng bawat kampo. (Joyce Balancio/UNTV Correspondent)