NFA rice, ibinebenta ng ilang whole seller bilang commercial rice – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 2079

Ibinunyag ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang ilang anomalyang ginagawa sa NFA rice.

Ayon sa kalihim, may pinapaboran umanong mga wholesaler ang National Food Authority kaya’t nakakakuha sila ng malaking alokasyon ng bigas sa ahensya lalo na sa mga rehiyon.

Inihahalo rin umano ng mga ito ang NFA rice sa ibang bigas at saka ito ibinibenta bilang commercial rice.

Sa ngayon, nais ng NFA Council na i-audit ang NFA kaugnay ginagawa nitong alokasyon at distribusyon ng kanilang bigas.

Samantala, iginiit ni Sec. Piñol na sapat ang supply ng bigas sa Pilipinas. Noong 2017 aniya ay nasa 19.4 million metric tons ang produksyon ng palay sa bansa na siyang pinakamataas sa kasaysayan.

Sa ngayon aniya ay nasa 96% na rice self sufficiency ng Pilipinas at target ng kagawaran na maging 100% ito pagdating ng taong 2020.

Aminado naman ang kagawaran na sa hinanarap ay kukulangin pa rin ng supply ng bigas ang bansa dahil sa paglobo ng populasyon.

Plano na ng kagawaran na maghanap ng ibang bansa na mapagtatamnan ng palay gaya ng Papua New Guinea. Nakatakdang magtungo ng Papua New Guinea si Piñol kaugnay dito.

Ayon sa kalihim, ang maipoproduce na bigas ng mga Pilipinong magsasaka na sosobra na sa pangangailangan ng Papua New Guinea ang dadalhin sa Pilipinas upang makadagdag sa pangangailangan ng bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,