NFA, nakahandang tumugon sa direktiba ni Pang. Duterte na bilhin ang palay ng mga magsasaka

by Radyo La Verdad | September 5, 2019 (Thursday) | 21659

Nangangailangan ang National Food Authority (NFA) ng dagdag na pondo para mas maraming palay ang mabili mula sa mga lokal na magsasaka.

Ayon kay NFA administrator Judy Dansal, may nakalaang 7 bilyong pisong pondo ang ahensya para ipambili ng palay. Pero kailangan aniya nila ng 13.2 billion pesos para mabuo ang 30 araw na imbak ng bigas.

Base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagbaba ng presyo ng palay ay bilhin ang lahat ng mga ani ng mga magsasaka sa halagang may kita na ang mga ito.

“So ang solusyon diyan, bilhin natin. And malugi tayo. Lugi tayo. Bakit tayo nagkokolekta ng taxes? Para malugi. Para makatulong ka,” pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero ayon sa NFA, hindi naman nila kayang solohin ang pagbili ng kabuoang ani ng palay sa bansa kundi kailangan ang tulong lalo na ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay NFA administrator Judy Dansal, bibilhin na nila kahit ang mga palay na kakaani pa lamang sa halagang halos Php 14 kada kilo.

Kada taon ay nasa 380 milyong sako ng palay ang inaani sa bansa kung saan 3% lamang nito ang nabibili ng NFA. Kung bibilhin ito ng 14 pesos kada kilo, ay mangangailangan ng 266 bilyon pesos ang ahensya.

“Paghahatian na namin yang production na yan dahil talagang hindi kaya ng puro NFA lang,” ani Judy Dansal, NFA administrator.

Sa ngayon ay may 30 lalawigan na ang tumugon sa panawagan ng Department of Agriculture na bilhin ang ani ng mga magsasaka sa kanilang mga nasasakupan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,