Chief Justice Teresita De Castro, manunungkulan na simula bukas

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 7297

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na si Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro ang napiling bagong chief justice ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa kalihim, sa Martes ilalabas ang formal appointment nito.

Gayunman, kulang dalawang buwan na lamang ang ipagsisilbi ni De Castro bilang tagapanguna ng kataas-taasang hukuman sa bansa dahil sasapitin nito ang mandatory age of requirement na 70 taong gulang sa ika-8 ng Oktubre.

Si De Castro ay appointee sa Korte Suprema ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong taong 2007. Naging presiding justice din ito ng Sandiganbayan noong 2004.

Papalitan ni De Castro si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinawalang bisa ng Korte Suprema ang appointment dahil sa hindi pagsasapubliko ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Isa si De Castro sa bumoto pabor sa quo warranto petition na isinumite laban kay Sereno.

Samantala, binati naman ng Malacañang si De Castro at sinabing karapat-dapat ito sa pwesto dahil sa kakayahan nito at pagiging judicial activist.

Si De Castro ang pinaka-senior sa lahat ng miyembro ng Korte Suprema.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,