“New Normal Guidelines” para sa 2022 Elections, ilalabas ng Comelec bago mag-Oktubre

by Erika Endraca | June 14, 2021 (Monday) | 11548

METRO MANILA – Patuloy ang ginagawa ng Commission on Elections (Comelec) na pagbuo ng “new normal guidelines” ukol sa 2022 national and local elections.

Target ng Comelec na ilabas ang bagong guidelines bago ang pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy sa Oktubre.

“Regarding the manual that we started to work last week that work is proceeding, meron tayong nakikitang glimmers, possible areas of regulation but we will wait until we release the whole thing certainly before October” ani COMELEC Spokesperson, Dir. James Jimenez.

Nakapaloob sa binubuong panuntunan ang ukol sa pagsasagawa ng mga election campaigns, presidential debates, gayundin ang proseso ng paghahain ng Certificate of Candidacy.

Ito ay upang matiyak na ligtas pa rin sa COVID-19 ang mga makikiisa sa 2022 elections.

Ayon naman sa political analyst na si Ramon Casiple, dapat rin matukoy sa ilalabas na panuntunan ang regulasyon ukol sa paggamit ng social media platform ng mga kandidato para sa kanilang pangangampanya.

“Dapat supposedly binabantayan nila yan e, atsaka pwede talaga sila maglabas ng rules, ang Comelec naman ay all powerful pagdating ng elections, pwede nga nilang pagbawalan ang mga kandidato na magsalita sa social media kung gusto nila” ani Political Analyst Ramon Casiple.

Kabilang rin sa ilalabas na panuntunan ng Comelec ay ang ukol sa news coverage ng mga mamamahayag para sa paparating na eleksyon.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: