METRO MANILA – Sa layuning maihanda at maturuan ang publiko sa pamumuhay matapos na mai-lift ang COVID-19 restrictions at maka adapt sa ‘New Normal’, inihain Kahapon (April 28) sa Kamara ang House Bill 6623 o The New Normal for the workplace and Public Spaces ct of 2020.
Sa ilalim ng House Bill 6623, magiging mandatory na ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar at maging sa trabaho.
Kailangan din na mayroong mga hand washing o sanitation stations sa mga lugar na pinupuntahan ng mga tao.
Dapat hindi bababa sa 1-metro ang physical distancing sa mga pampublikong lugar – mas maganda kung gawin nang 2-metro ang layo ng bawat tao.
May temperature checks din sa enclosed, semi-enclosed at maging open spaces.
Patuloy naman ang pagbili ng mga COVID-19 test kits at personal protective equipments gayundin ang pagsasagawa ng mass testing kabilang na ang pagtatatag ng drive-thru testing facilities, phone-in at iba pang pamamaaraan para makapag pa test para sa COVID-19.
Pagdating sa mga pagtitipon, magiging highly regulated ito ng Local Government Unit (LGU) at dapat nasusunod ang mga universal and mandatory safety measures.
Sa edukasyon, prayoridad naman na ma establish ang online learning sa mga pribado at pampublikong paaralan.
Hindi rin agad bubuksan ang klase maliban na lamang kapag inirerekomenda na ng Department of Education.
Sa trabaho, kailangan namang magsumite ng “New Normal workforce and workplace management plan” ang mga ito sa kanilang local government unit bago mag resume ng trabaho.
Papayagan namang mag bukas ang mga restaurants, cafes, fastfoods at iba pang food service companies ngunit take-out at delivery lang muna.
Magiging bahagya naman ang pagbalik ng dine-in services sa mga naturang pasilidad.
Magkakaroon din ng limitasyon sa bilang ng mga taong maaaring nasa loob ng isang establisyemento katulad ng mga mall o shopping center.
Papabilisin din ang pagkakaroon ng Philippine ID System, national broadband program, at pagtatatag ng E-government systems o pagbibigay ng serbisyo ng mga government agencies online.
Ang sinumang lalabag sa mga probisyon ng naturang panukala ay papatawan ng parusa na 2 buwang pagkakakulong o multa na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1,000 ngunit hindi lalagpas sa P50,000.
Kapag naipasa na, ipapatupad ang naturang batas sa loob ng 3 taon.
Maaari naman itong mapaikli alinsunod sa deklarasyon ng pangulo kapag nagkaroon na ng vaccine at na contain o nasugpo na ang COVID-19 sa bansa.
( Vincent Arboleda | UNTV News)