Net satisfaction rating ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, muling bumagsak

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 5610

Muling bumagsak ang public satisfaction rating ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station o SWS na isinagawa mula December 8 hanggang 16, nakakuha si Sereno ng positive 6 (+6) na pinakamababa ngayong taon.

Bumagsak ito mula sa positive 9 (+9) noong Setyembre at pinamababang ratings mula noong December 2015 nang makakuha siya ng negative 1 (-1).

Umakyat naman sa dalawampu’t walong porsyento ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento kay Sereno. Ginawa ang survey habang dinidinig sa Kongreso ang impeachment complaint laban sa punong mahistrado.

Ayon sa abogado at tagapagsalita ni Sereno, “neutral” pa rin ang rating ng punong mahistrado at kung tutuusin ay hindi nasira ang tiwala ng publiko sa kabila ng malisyosong mga paratang. Nananatili aniyang nakatuon ang pansin ni Sereno sa responsibilidad nito na pagandahin pa ang hudikatura ng bansa.

Samantala, nananatili namang kuntento ang publiko kina Vice President Leni Robredo at Senate President Koko Pimentel. Parehong nakakuha ng “good” ratings ang dalawa na umakyat sa positive 42 at positive 49.

Gumanda naman ang nakuhang ratings ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Mula sa dating neutral na positive 6, umakyat na ito sa positive 14 o “moderate”.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,