Negosyante at broker na sangkot sa P6.4 billion shabu smuggling case, inireklamo ng tax evasion ng BIR

by Radyo La Verdad | January 5, 2018 (Friday) | 4922

Naghain ng tax evasion complaints ang Bureau of Internal Revenue laban sa negosyanteng si Kenneth Dong at Customs Broker na si Mark Taguba. Nag-ugat ito sa ginawang imbestigasyon ng senado sa 6.4 billion pesos na halaga ng kargamento ng shabu na naipuslit mula sa China.

Ayon kay BIR Commissioner Cesar Dulay, hindi nagdeklara ng kita si Kenneth Dong noong 2013 at 2016, pero nagbigay ito ng 3-million pesos na kontribusyon bawat isa para sa kampanya ng dalawang senador.

Lumabas din sa imbestigasyon ng BIR na nakabili ito ng mahigit 11-million pesos na halaga ng mga sasakyan at isang townhouse unit sa Parañaque City. Kaya’t pinagbabayad ito ng BIR ng 11.4 million pesos na buwis. Umabot naman sa 850-million pesos ang buwis na hinahabol ng ahensiya kay Mark Taguba.

Ayon kay Dulay, mismong si Taguba ang umamin sa pagdinig ng senado na binabayaran siya ng 170-thousand pesos sa bawat container van na naipoproseso niya sa Customs. Batay aniya sa records ng Customs, umabot sa mahigit pitong libo apat na raang container vans ang naipasok ng mga kliyente nito noong 2016. Kaya lumalabas na kumita si Taguba ng 1.2 billion pesos nang taong iyon.

Hindi rin umano rehistrado sa BIR ang trucking business ni Taguba at wala itong idinideklarang kita mula 2009 hanggang 2016.

Nangangalap na rin ng ebidensiya ang BIR laban sa iba pang sangkot din sa naipuslit na kargamento ng shabu.

Sinusubukan pa ng UNTV News na makuha ang panig nina Taguba tungkol dito.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,