Kapayapaan at kaayusan sa lipunan- ito ang mahahalagang pundasyon ng mga polisiyang pang-ekonomiya ng Pilipinas na siya ring prayoridad ng Duterte Administration.
Ayon kay NEDA Director-General at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, upang makamit ang paglago ng ekonomiya, kinakailangan ang peace order at pagsugpo sa kriminalidad, iligal na droga, smuggling, tax evasion at iba pang ilegal na gawain.
Sa pamamagitan nito, mas marami ang maeengganyong mamuhunan sa bansa at mas lalago rin ang ekonomiya.
Gayunpaman, bagaman ilang grupo sa pilipinas ang tumutuligsa sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, ipinahayag ni Pernia na mas marami ang makapagsasabing sang-ayon sa pamamalakad ng kasalukuyang pangulo dahil sa pagbaba ng crime rate.
Wala rin aniyang dapat ipangamba ang mga dayuhang nagbabalak bumisita sa bansa basta’t susunod sa batas at panuntunan ng pamahalaan.
Samantala, kabilang din sa mga prayoridad ng Administrasyong Duterte para manatiling malago ang ekonomiya ay ang pagsusulong ng infrastructure projects.
Sa ulat ng NEDA, 10 proyekto na nagkakahalaga ng 320 billion pesos ang aprubado na ng investment coordination committee.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: Duterte administration, mas dadami ang investment sa bansa dahil sa anti-illegal drugs campaign, NEDA