NDRRMC, tiniyak na sapat ang supply ng relief goods para sa mga evacuee sakaling tumagal ang pag aalburoto ng Taal

by Erika Endraca | January 17, 2020 (Friday) | 2165

METRO MANILA -Posibleng tumagal pa ang pag aalburoto ng bulkang Taal ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS, bagaman bahagyang bumababa ang aktibidad nito, posible umanong humina na ito ng tuluyan o di naman kaya ay nag iipon lang ng lakas para sa isang pagsabog. Inihalintulad ito ng PHIVOLCS sa 1754 eruption ng Taal na tumagal ng 7 buwan.

Sakali mang tumagal ng ilang buwan ang pag aalburoto ng bulkan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sapat ang supply ng pamahalaan para matustusan ang pangangailangan na pagkain ng mga evacuee.

“The supplies of the local governments ay pasok pa rin po. Sufficient pa rin po siya para matustusan yung pangangailangan ng mga kababayan natin.” ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.

Ayon kay Timbal, hindi na pinapaabot pa ng pamahalaan na masagad ang kanilang supply ng relief goods at nirereplenish o pinupunuan agad ito.

Ang isang family box mula sa DSWD ay may sapat na pagkain para sa isang pamilya na mayroong 5 miyembro sa loob ng 2 hanggang 3 araw. Mayroon ding hygiene kits at mask na ibinibigay ng iba pang ahensya sa mga evacuee.

Batay sa pinakuking ulat ng NDRRMC, nasa 12,370 na pamilya o katumbas sa 53,832 na mga tao ang nanunuluyan sa 244 na evacuation centers sa Batangas at Cavite.

Posible pa itong madagdagan ayon sa NDRRMC. Patuloy din na nadadagdagan ang bilang ng mga evacuation center dahil napupuno na ang ibang evacuation center sa mga apektadong lugar, dahilan kung kaya’t may ilang evacuation centers na hindi na tumatanggap ng karagdagang evacuees.

“Sinisigurado po natin na yung evacuation centers natin ay hindi magkakaroon ng matinding discomfort yung mga kababayan natin.” ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.

Dagdag pa ni Timbal, sinisiguro ng pamahalaan na mayroong sapat na suporta na maibibigay sa mga evacuee sa bawat evacuation center.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: