NDRRMC, tiniyak na may sapat na karagdagang Relief Goods para sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Tisoy

by Erika Endraca | December 4, 2019 (Wednesday) | 2578

METRO MANILA – Ipinahayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal na wala pang probinsya o rehiyon sa mga tinamaan ng Bagyong Tisoy ang nangangailangan ng dagdag na suplay ng mga pagkain at relief items.

“The standby funds ni DSWD at ni NDRRMC are still intact, in case po na kailangan ng assistance ng local governments natin, they can communicate naman po and we are ready to provide assistance.” ani
NDRRMC Spokesperson Mark Timbal .

Sa ngayon nasa P586 M ang standby funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon naman sa Office of the Civil Defense (OCD) Region 5, wala pang naiulat na nasawi o nawawala sa Bicol Region kaya wala ring rescue operations na ipinapatupad ngayon sa rehiyon.

“Ang ating assets dito sa region ay on reserve. Pagka nagamit na ‘yung mga LGU’s, saka na natin gamitin ‘yung reserve natin. Ngunit wala namang request. Ibig sabihin, sapat ‘yung nandoon sa mga lgus na mga available assets nila.” ani OCD Region 5 Regional Dir. Claudio Yucot.

Sinigurado naman ng ahensya na may sapat na suplay ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang NDRRMC sa Department of Information and Technology (DICT) matapos ang mga naiulat na pagkawala umano ng mga linya ng komunikasyon at mobile signals sa ilang napinsalang probinsya.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,