NDRRMC : nasawi sa pananalasa ng bagyong Vinta 164; 171, nawawala

by Radyo La Verdad | December 25, 2017 (Monday) | 4238

Patuloy ang search and rescue operations sa 171 nawawalang individual matapos manalasa ang bagyong Vinta sa bansa.

Sa tala naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, 164 na ang ang nasawi dahil sa bagyo. Karamihan ay nalunod o natabunan ng lupa dahil sa landslides.

Inaalam pa ng NDRRMC kung bakit marami ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa kabila ng isinagawang forced evacuation sa mga lugar na dadaanan nito.

Mahigit sa 115 libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo kung saan ang halos 21 libong pamilya ay nasa mga nasa evacuation centers habang ang mahigit sa 16 libo at 5 daang pamilya ay nanunuluyan sa kanilang mga kaanak.

Ang mga ito ay mula sa rehiyon ng Mimaropa, 7, 9, 10, 11,12, ARMM at Caraga. Pinakaapektado dito ay ang Zamboanga del Norte, Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Nakapag-abot na ang pamahalaan ng mahigit sa 3 milyong pisong halaga ng tulong kasama na ang food packs.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang United Nations sa Pilipinas matapos tumama ang dalawang magkasunod na bagyo.

Magpapadala rin ang UN ng ayuda sa mga lugar na napinsala ng bagyong Urduja at Vinta. Sa pahayag ni UN Secretary General Antonio Guterres, bukod sa mga humanitarian partners, susuportahan ng international body ang local at national authorities sa pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Bago ang bagyong Vinta, nag-iwan naman ng 50 patay at 31 nawawala ang bagyong Urduja sa gitnang bahagi naman Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,