NDRRMC, nananawagan sa mga residente ng Taal Volcano Island na huwag nang bumalik sa danger zone

by Erika Endraca | January 16, 2020 (Thursday) | 12116

METRO MANILA – Patuloy ang panawagan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal na huwag nang bumalik sa Taal Volcano Island na bahagi ng permanent danger zone.

Ito’y matapos mabalitang may mga ilang residente ang bumabalik sa naturang lugar upang sagipin ang kanilang mga alagang hayop.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, hindi na dapat bumalik ang sinoman sa Volcano Island at maging sa 14 kilometer danger zone dahil anomang oras, posibleng magkaroon ng malaking pagsabog ang bulkang Taal lalo na’t nakataas pa rin ito sa alert level 4.

“Kung ni-rescue man po nila, mabuti at nagpapasalamat po tayo na ganun na nabuhay po ‘yung mga alaga nila. Pero, ang kinakaba po namin, ang ‘yung kanilang pagbalik. Kasi they violated an ‘off-limits’ arrangement natin at saka ‘yung mandatory evacuation order for that particular area.” ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.

Aniya, dapat ay makipag-ugnayan muna ang mga residente at maging ang iba’t ibang Non-Government Organizations (NGO) na nais magsagawa ng rescue operations sa loob ng danger zone sa mga otoridad upang mapag-usapan ng maayos ang gagawing hakbangin sa paglitas ng mga hayop.

“Maganda po ‘yung intensyon nila, pero what we are worried about is what if something bad happens and they are within the 14 kilometer danger zone, hindi po natin maga-guarantee ‘yung safety nitong mga tao na ito.” ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.

Sa huling tala ng ahensya, nasa 53,000 indibidwal o halos 12 pamilya na ang apektado ng pag-alburoto ng bulkang Taal.

Sa mga bilang na ito, 43,000 indibidwal o mahigit 10,000 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa 217 evacuation centers sa Batangas, Cavite at Laguna. Umabot naman na sa mahigit P577-M ang halaga ng mga napinsala sa agrikultura katulad ng mga pananim at alagang hayop.

Tiniyak naman ng NDRRMC na sapat pa ang suplay ng pagkain at relief items mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of the Civil Defense (OCD) para sa mga apektado ng bulkang Taal.

Pero pinapayuhan ng ahensya ang mga nais mag-donate na makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan ng Batangas at Cavite bago pumunta sa mismong evacuation centers upang maisaayos ang distribusyon ng ayuda.

Para sa mga nais magbigay ng ayuda, makipag-ugnayan lamang sa OCD Region 4A – Calabarzon.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,