NDRRMC: mahigit 77,000 pamilya, inilikas dahil sa bagyong Nina; stranded na pasahero sa mga pantalan, umabot sa 12,000

by Radyo La Verdad | December 26, 2016 (Monday) | 1398

IMAGE_FEB212013_UNTV-News_NDRRMC
Nasa 77,560 na pamilya ang isinailalim sa pre-emptive evacuation dahil sa banta ng pananalasa ng bagyong Nina batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nasa 17, 277 o 72, 869 na indibidwal ang apektado ng bagyo sa 202 baranggay sa MIMAROPA at Region 5, pati na sa CALABARZON at Eastern Visayas.

12, 019 na pasahero naman ang stranded sa mga pantalan pati na ang nasa 1,047 rolling cargoes, 43 vessels at 6 motor bancas sa Southern Tagalog, Bicol, Central-Eastern at Western Visayas.

Habang nasa 86 na flights ang kinansela dahil sa masamang panahon.

May mga lugar ding nagkaproblema sa supply ng kuryente at komunikasyon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

May naitala ring minor landslides sa Catanduanes at pagbaha sa Camarines Sur.

Maraming bahay din ang nasira matapos na mabagsakan ng mga nabuwal na puno.

Sa ngayon ay naghahanda na ang pamahalaan ng emergency shelter assistance para sa mga biktima ng bagyo.

Magkakaroon din ng rapid damage asssesment and needs analysis ang Office of the Civil Defense sa Bicol Region upang matukoy ang lawak ng pinsala ng bagyong Nina.

May ipinatutupad na rin na contingency plan ang NDRRMC para tulungan ang ating mga naapektuhan ng bagyo.

At kahit palabas na ng bansa ang bagyo, naka-red alert pa rin ang NDRRMC Operation Center.

Samantala bineberipika pa rin ng NDRRMC ang napaulat na may mga military detachments sa Catanduanes ang nasira dahil sa pananalasa ng bagyong Nina.

(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,