NDRRMC, mag-uumpisa nang bumuo ng protocol para sa haze

by Radyo La Verdad | October 29, 2015 (Thursday) | 4473

PAMA
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpulong ang member agencies ng National Disaster Risk Reduction tungkol sa pagkakaroon ng transboundary haze sa Pilipinas.

Kinukunsidera ng konseho na new phenomenon ang naranasang haze sa timugang bahagi ng bansa bunga ng forest fires sa Indonesia.

Sa kasalukuyan, wala pang protocol ang NDRRMC kaugnay ng transboundary haze.

Ang protocol ay binubuo ng mga paghahanda at aksyong dapat gawin ng mga ahensya ng pamahalaan, local government units at mamamayan bago at pagkatapos ng isang kalamidad.

Mahalaga ang pagkakaroon ng protocol upang maging coordinated ang pagkilos ng bawat government agency at stakeholder ganun din ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga mamayan.

Subalit ayon kay NDRRMC Executive Director Undersecretary Alexander Pama, mahalaga munang malaman at maunawaan ng mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan kung ano ang transboundary haze.

Dagdag pa nito, kinakailangan ang mga serye ng konsultasyon at pagpupulong ng konseho kasama ang mga siyentipiko at eksperto bago mabuo ang protocol ng NDRRMC tungkol sa transboundary haze. ( Rosalie Coz / UNTV News )

Tags: