Nagtalaga ang NDRRMC ng mga tauhan na tututok sa pangangasiwa ng mga donasyon na nais iparating ng mga indibiduwal o grupo sa mga naapektuhan ng bagyong Rolly.
Kaugnay nito, nagbabala ang ahensya sa publiko laban sa mga bogus na solicitations ng donasyon sa pamamagitan ng mga pribadong bank account o money transfer outlets.
Pinapayuhan ang mga nais magkaloob ng tulong na ideposito ang kanilang donasyon sa itinalagang bank account ng NDRRMC at OCD o makipag-ugnayan sa kanilang operations center.
Personal namang nagtungo sa ilang bayan sa island province ng Catanduanes si Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista kahapon para tingnan ang disaster relief operations sa lalawigan.
Namahagi rin ang DPWH ng inisyal na mahigit 1,300 na family food packs bilang karagdagang ayuda sa mga nasalanta ng super typhoon Rolly sa naturang probinsya.
Samantala, batay sa huling ulat ng NDRRMC katuwang ang Office of the Civil Defense, na ibalik na ang linya ng telekomunikasyon sa ilang bahagi ng Virac, Catanduanes.
Mayroon na ring cellphone signal sa ilang bahagi ng bayan ng Bato batay sa kumpirmasyon ng UNTV News and Rescue Team
Pinasalamatan naman ng NDRRMC ang mga amateur radio group na malaki ang ambag sa pagbibigay ng mga impormasyon sa disaster management operations habang bagsak ang lahat ng signal ng telco sa lalawigan.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Bagyong Rolly