NDRRMC at OCD sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa, naka-red alert na dahil sa Bagyong Mangkhut

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 4892

Itinaas na kaninang umaga ng NDRRMC ang kanilang alerto dahil sa Bagyong Mangkhut na tatawaging Bagyong Ompong kapag pumasok na sa Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, kagabi ay nagsagawa na rin ng pre-disaster risk assessment meeting ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Office of Civil Defense (OCD) sa Kampo Aguinaldo para paghandaan ang epekto ng sama ng panahon na posibleng maging isang super typhoon.

Nauna nang itinaas sa red alert status ang OCD sa Region 1 2 3 at Cordillera Region. Nakapwesto na rin aniya ang libo-libong food packs at mga rescue equipment sa mga rehiyong posibleng hagupitin ng Bagyong Mangkhut.

Naglaan na rin aniya ng P1.7 bilyong piso na standby fund ang pamahalaan para magamit ng mga posibleng maaapektuhan ng bagyo. Ito ay dahil malaki ang lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo partikular sa Northern Luzon hanggang Central Luzon.

Tiniyak din ng NDRRMC na pababantayan nila ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo upang maiwasan ang pananamantala ng ilang mga negosyante.

Payo ng NDRRMC sa mga nasa Cordillera at Regions 1 2 at 3, maghanda ng emergency kit at sumunod sa mga otoridad sakaling magpapatutupad ng pre-emptive o forced evacuation sa kani-kanilang lugar upang malayo sa sakuna.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,