METRO MANILA – Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan at local disaster units ngayong nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Odette.
Batay sa forecast ng PAGASA, inaasahang maapektuhan ng malalakas na ulan at hangin na dala ng bagyo ang ilang lugar sa Visayas, ang malaking bahagi ng mindanao, maging ang ilang probinsya sa Southern Luzon Region.
Pinaghahanda rin ng NDRRMC ang ilang lugar sa Northern Luzon na posibleng mahagip ng mga pag-ulan at malalakas na hangin.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, mahigit sampung libong barangay ang posibleng madaanan ng bagyo.
“Tinukoy na po ang lagpas sampung libong mga barangay na located doon sa mga area na posibleng tamaan nitong bagyo dyan sa kabisayaan at Mindanao and some area also of Southern Luzon. Nagpalabas rin po tayo ng warning and reminders doon sa local governments in the northern luzon area kase baka makaranas po sila ng pag-uulan din dulot ng shear line na maaapektohan ni bagyong Odette.” ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.
Sa Cebu City, nakahanda na ang City Disaster Risk Reduction and Management Team sa pagresponde sa mga residente na posibleng maapektuhan ng bagyo.
Maging ang Municipal DRRMO sa Mobo, Masbate nag-brieifing na rin sa kanilang mga tauhan para sa clearing operations at canal de clogging bilang paghahanda sa kalamidad.
Nag-abiso si Palo,Leyte Mayor Ann Petilla sa kanilang mga residente na maghanda at agad na lumikas bago pa lumala ang sitwasyon.
Sa Passi Iloilo naman, mahigpit nang mino-monitor ang posibleng pagtaas ng lebel ng tubig sa Jalaur at Lamunan river upang agad na mailikas ang mga residente sa mababang lugar kung kinakailangan.
“For the prepositioning of the relief items, teams, yung search and rescue and road clearing teams natin. Na-identify nga po natin yung mga areas na at risk kaya po pinaalalahanan po natin yung mga LGUs na bago pa po dapat dumating itong sama ng panahon at nakikita po yung eminent risk doon sa area maaari pong magsagawa na ng pre-emptive evacuation.” ani NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.
Nag-abiso na rin ang NDRRMC sa mga biyahero, na suspendido muna ang inter-island travel sa Bicol region, Eastern Visayas, Caraga, at iba pang mga lugar na maaring daanan ng bagyong Odette.
Ito’y upang maiwasan ang anumang posibleng aksidente sa karagatan at magkaroon ng stranded na mga pasahero.
Mahigpit na pakiusap ng NDRRMC sa publiko, makinig at sumunod sa abiso ng mga otoridad upang maiwasan ang anomang trahedya sa posibleng pananalasa ng bagyong Odette.
Paalala naman nito sa mga posibleng maaapektohang residente na sumunod sa health protocols sa mga evacuation center.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: bagyong Odette, NDRRMC