Huwebes nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong magsumite ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng sarili nitong “final” version ng peace agreement na kaniyang aaprubahan.
At kung magustahan umano niya ito ay ipapasa niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police(PNP) upang kunin ang opinyon ng mga ito.
Ngunit sa isang statement na inilabas ni NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison sa kanilang website, sinabi nito na hindi sila magbibigay ng draft peace agreement.
Ayon kay Sison, tila nagpapanggap umano ang Pangulo o lango ito sa pain medication kaya hindi nalalaman na kailangan ng negosasyon para magkaroon ng peace agreement.
Bago pa aniya tapusin ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at NDFP, nagkaroon na umano ang negotiating panels ng draft ng kasunduan na nakapaloob sa Comprehensive Agreements on Social and Economic Reforms (CASER) at Political and Constitutional Reform.
Nagpapakita rin umano ito ng pagkumpirma ng Pangulo na takot ito na magkaroon ng kudeta ang AFP at PNP.
Una nang sinabi ni NDFP Chairperson Fidel Agcaoili na magtutungo ito sa Pilipinas ngayong buwan kasama si Jalandoni at ilan pang kasamahan ng mga ito kaugnay ng ilan nilang obligasyon.
Isasabay na rin umano sana nila ang pakikipag-usap kay Pangulong Duterte kaugnay ng usapang pangkapayapaan.
Ngunit hindi na tumuloy ang mga ito matapos na sabihin ng Pangulo na hindi niya personal na haharapin ang mga ito at ipa-aaresto ang mga ito pagdating sa Pilipinas.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )
Tags: NDFP, Pangulong Duterte, PNP