NDFP consultant at kasama nito, sinampahan na ng reklamong illegal possession of firearms and explosive ng CIDG

by Radyo La Verdad | February 2, 2018 (Friday) | 1765

Isinailalim na sa inquest proceedings ang National Democratic Front Consultant na si Rafael Baylosis at ang kasama nito na si Guillermo Roque alyas Jun.

Ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, sinampahan ang mga ito ng reklamong illegal possession of firearms and explosives.

Nakuha sa mga ito ng dalawang 45 pistol at isang granada na natatabunan ng brown rice sa bag na bitbit ni Baylosis.

Ang inquest proceedings ay isinagawa sa opisina ng CIDG-NCR dahil sa usaping panseguridad. Naaresto ng PNP si Baylosis at Roque sa Quezon City noong Myerkules.

Sa statement na inilabas ni NDFP National Executive Committee Member Luis Jalandoni, binatikos nito ang pagkakaaresto kay Baylosis at Roque at sinabing malinaw na paglabag sa Joint Agreement on safety and Immunity Guarantees o Jasig.

Kailangan umanong mapanagot si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa panghaharass sa mga miyembro ng NDFP.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pwedeng gamitin ang JASIG na basehan upang hindi arestuhin sila Baylosis.

Si Baylosis rin ang kauna-unahang consultant ng NDFP na naaresto matapos maunsyame ang usapang pangkapayapaan at ideklara ni Pangulong Duterte na teroristang grupo ang CPP-NPA noong nakaraang taon.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,