NDF Consultant Vicente Ladlad at 2 iba pa, naaresto ng PNP at AFP sa QC kaninang madaling araw

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 5951

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Cecilyn Burgos Villavert ng Quezon City Regional Trial Court Branch 89, sinalakay ng mga tauhan ng PNP at AFP ang sinasabing safehouse ni National Democratic Front Consultant Vicente Ladlad sa San Bartolome Novaliches, Quezon City kaninang ala una y medya ng madaling araw.

Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, nakuha sa safehouse ni Ladlad ang isang AK 47 at M16 assault riffle, isang caliber 45 at 9mm pistol, sari-saring bala, apat na granada, iba’t-ibang dokumento at dalawang bandila ng Netherlands.

Bukod kay Ladlad, kasamang inaresto ang dalawang staff nito na sina Alberto at Virginia Villamor.

Sinabi naman ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde na bubusisiin ang mga subersibong dokumento na nakuha kina Ladlad upang malaman ang plano ng mga ito laban sa pamahalaan.

Sumugod naman ang asawa ni Ladlad na si Fides sa tanggapan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang makita ang kanyang asawa na maysakit.

Aniya, planted ang lahat ng baril at bala na sinasabing nakuha sa umanoy safehouse ng kanyang asawa. Hinamon pa nito ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na isailalim sa pagsusuri ang mga baril upang mapatunayang hindi ito pagmamay-ari ng kanyang asawa.

Sinabi naman ni PNP Chief Albayalde na isasailalim sa ballistic exam ang mga baril.

Si Ladlad at dalawang iba pa ay kakasuhan ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act at RA 9516 o law on explosives.

Isa si Ladlad sa mga consultant ng NDF na pansamantalang pinalaya ng pamahalaan upang makasali sa nabinbing peace talks sa mga rebeldeng komunista.

 

( Lea Ylagan /UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,