NCRPO, pinaghahandaan ang posibleng retaliatory attacks ng mga grupong sumusuporta kay Marwan

by Radyo La Verdad | February 27, 2018 (Tuesday) | 10364

Matapos ang pagkakaaresto ni Juromee Dongon, asawa ng Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir o alyas Marwan, at ng mga kamag-anak nito, nakabantay naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa posibleng paghihiganti ng mga sympathizers ni Marwan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Undersecretary Eduardo Año, malaki ang posibilidad na gumanti ang pwersa ng ISIS terrorist dahil sa pagkakaaresto sa asawa ni Marwan.

Ayon kay NCRPO chief PDir. Oscar Albayalde, bagama’t wala pang banta ng terorismo sa Metro Manila, mananatiling naka-full alert status dahil may mga namomonitor silang mga indibidwal at grupo na konektado umano sa ISIS terrorist group.

Matatandaang naaresto ng Philippine National Police (PNP) si Juromee Dongon kasama ang mga kapatid, bayaw at tatay nito sa Lanao del Norte sa salang illegal possesion of firearms and explosives matapos mahulihan ang mga ito ng mga bomba at baril.

Itinuturo rin umano ang mga ito na may koneksyon sa mga pinaghihinalaang terror activities sa lugar.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

 

Tags: , , ,