NCR sasailalim sa GCQ na may granular lockdowns sa simula Sept. 8

by Erika Endraca | September 7, 2021 (Tuesday) | 6202

METRO MANILA – Maaari na ang dine-in sa restaurants at religious gatherings na may limited seating capacity sa Metro Manila simula bukas, September 8.

Ito ay dahil niluwagan na ang restrictions sa kapitolyo ng bansa sa General Community Quarantine hanggang katapusan ng buwan.

Sa gitna ito ng mahigit 20,000 bilang ng COVID-19 cases na naitatala araw-araw sa Pilipinas.

“Di naman natin ilalagay sa lower standards kung talagang attack rate at critical hospital utilization ay di po parehong below critical kasi kung parehong critical yan, di natin aalisin sa mas mataas na quarantine classification. Kaya naman natin ito ipatutupad sa Metro Manila, bagaman critical ang health care utilization rate, bahagyang bumagal ang pagkalat ng sakit” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Liban sa National Capital Region, GCQ rin ang iiral sa 37 na ibang lugar.

Modified ECQ naman sa 10 probinsya at GCQ with heightened restrictions naman sa 20 lugar.

Samantala, bukod sa pag-iral ng GCQ sa Metro Manila, sasailalim din ang kapitolyo sa pilot implementation ng granular lockdowns.

Isinasapinal pa lamang ang panuntunan may mga binanggit nang ilang detalye ang palasyo.

“The granular lockdown does not have to be an entire barangay. It can be a street, it can be a house, it can be a community. It should be as granular as we can” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bukod dito, pahihintulutan din ang Authorized Persons Outside of their Residence (APOR) na makaalis sa kanilang bahay subalit hindi na maaaring bumalik hanggang sa matapos ang ipinatutupad na localized lockdowns. Pagkakalooban din ng ayuda ang mga apektadong residente.

Nasa ilalim naman desisyon ng mga mayor at governor ang pagpapatupad ng granular lockdowns subalit maaari itong baligtarin ng IATF.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,