NCR Mayors, maaaring mag-extend sa SAP distribution kung lalagpas sa deadline

by Erika Endraca | August 10, 2021 (Tuesday) | 6890

METRO MANILA – Nauunawaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaring mas tumagal ang pamamahagi ng mga ayuda ngayon kasabay ng pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila.

Bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols dahil sa mataas na banta ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant, mahigpit ring ipagbabawal ang mass gathering.

Kaya ngayon pa lang ay humiling na ang mga Metro Manila mayors na payagan silang mag-extend mula sa 15-day deadline sa pamamahagi ng financial aid mula sa social amelioration program ng national government.

“Pumayag naman po si Secretary Eduardo Año at si Secretary Rolly Bautista ng extension upon the request of the Local Government Unit kung ang dahilan ay dahil sa challenges of distributing during the time of pandemya.” ani DILG Spokesperson, Usec Jonathan Malaya.

Ayon kay Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista, ipinaubaya na nila sa mga LGU ang pagpapasya kung paano ipamamahagi ng ligtas ang mga tulong pinansyal.

“The LGU shall determine the most efficient and effective way of release of assistance at sila ay may option na makipag–engage sa financial service providers para maipamahagi ang ayuda sa loob ng 15 calendar days na itinakda ng deadline alinsunod sa jmc.” ani DILG Sec. Rolando Bautista.

Sa ngayon ay Makati City Government pa lang ang nagkumpirma na gagamit ng financial service provider para sa mas mabilis at ligtas na pamamahagi ng ayuda.

Magbubukas naman ng mas maraming distribution sites ang Pasig City upang mas mailapit sa mga residente ang pagkuha ng financial aid.

Habang ang Quezon City Government naman ay planong payagan ang by-batch o scheduled na pamamahagi ng ayuda.

Inatasan naman sa bawat lgu ang mga kawani ng barangay at local police sa pagsisiguro na nasusunod ang mga health and safety protocol sa mga pay out sites.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,