NCR at 4 na karatig lalawigan, hindi ila-lockdown ngunit magpapatupad ng karagdagang restrictions

by Erika Endraca | March 22, 2021 (Monday) | 1660

METRO MANILA – Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na dagdagan pa ang mga pinaiiral na restrictions dahil sa nakababahalang pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa,.

Simula ngayong araw (March 22) hanggang sa April 4, nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang metro manila, bulacan, cavite, laguna at rizal

Bagaman nasa GCQ, mayroon namang paiiralin na dagdag na restrictions.

Hindi maaaring lumabas at pumasok sa mga area na ito liban na lamang sa mga authorized persons outside residence at kung essential travel ang dahilan.

Mananatili ang ipinatutupad na operating capacity at protocol sa public transportation.

Required na manatili sa bahay ang below 18 years old at above 65 years old, mga may health condition at mga buntis liban na kung kukuha ng pangunahing pangangailangan o kung may hanapbuhay.

Maaari naman ang outdoor non-contact sports at iba pang outdoor exercises sa mga lagpas 65 taong gulang at persons with disability subalit kinakailangan ng prescription ng doktor o pwd id.

Hindi hinihikayat ang pagtanggap ng bisita na labas ng immediate family o sangbahayan samantalang ini-encourage naman ang pagsusuot ng face masks sa bahay lalo na kung may kasamang matatanda at vulnerable.

Iiral din ang uniform curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Bawal ang mass at public gatherings kabilang na ang religious gatherings. Habang hanggang 10 tao lang ang pinapayagang magkatipon para sa kasal, binyag, at libing.

Hindi hinihikayat ang face-to-face meetings, sa halip ay gawin itong virtual meetings.Hinihikayat naman ang pribadong sektor na sundin ang 30 hanggang 50 percent operational capacity at work from home arrangement.

Bawal muna ang indoor dining at pinahihintulutan lamang ang outdoor dining sa mga restaurant.

50 percent ang maximum capacity sa outdoor dine-in restaurants, cafes at personal care services.

Samantala, suspindido ang operasyon ng driving schools, traditional cinemas at video-and interactive-game arcades, libraries, archives, museums, cultural centers, limited social events sa accredited establishments ng department of tourism at limited tourist attractions liban na ang open-air tourist attractions.
Bawal ang sabong at cockpit operations kahit sa modified general community quarantine areas.

Inuutusan naman ng iatf ang department of the interior and local government na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan na naipatutupad ang protocols para sa isolation at quarantine gayundin ang minimum public health standards.

“Sana po maintindihan ng lahat, this is for the common good. Alam po natin na may plano na kayo, talagang you were looking forward to a holy week break pero kung papayagan po tayo ng unimpeded travel ngayon, lalong mapapabilis ang pagkalat ng new variants sa iba’t ibang parte pa ng pilipinas at yan po talaga po ang ating iniiwasan” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Kaalinsabay nito, iniulat naman ng palasyo na may paparating na mga suplay ng bakuna sa mga susunod na araw kabilang na ang donated 400 thousand doses at procured one million doses ng Sinovac vaccines gayundin ang Astrazeneca vaccines mula sa Covax facility.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: